Posibleng umabot sa 1,000 special permits para sa mga bus ang ipamahagi ng LTFTB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board ngayong Undas.
Ayon kay LTFRB Chairman Winston Ginez, ito’y upang matugunan ang inaasahang pagdagsa ng mga pasaherong pauwi ng probinsya simula sa Huwebes, October 30 na tinatayang aabot ng 10-12,000 kada araw.
Ang special permit para sa mga city buses na pinayagang makapagbiyahe sa probinsya ay may bisa mula October 30 hanggang November 3.
Pinayuhan ni Ginez ang mga pasahero na tiyaking mayroong nakapaskel na special permit ang sasakyan nilang bus upang makatiyak na legal ang biyahe ng mga ito.
“Hanapin po nila ang ibinibigay namin na kasinglaki po ng short coupon band na dapat ay nakapaskil sa windshield at pirmado ng 3 board members natin, ako po ang unang nakapirma doon.” Ani Ginez.
Una nang nagsagawa ng inspection sa mga bus terminals ang LTFRB.
Ayon kay Ginez, natuklasan nila na maraming bus terminals lalo na sa Pasay City ang kulang sa pasilidad para sa kaginhawaan ng kanilang mga pasahero.
Inatasan ni Ginez ang mga bus terminals na maglagay ng industrial fans at iba pang pasilidad para sa mga pasahero na dadagsa para umuwi sa probinsya ngayong Undas.
“Pero dapat katuwang po namin dito ang mga local government units na pagpapatakbo, pag-regulate at pag-see to it na inaalala nila ang public service nila sa ating mga kababayan.” Pahayag ni Ginez.
By Len Aguirre | Ratsada Balita