Asahan na marami pang appointment slots ang bubuksan sa mga susunod na araw ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Ito ang pagtitiyak ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano kasunod ng binuksang isandaang libong (100,000) appointment slots nitong Martes, Enero 23, para sa mga nais kumuha at mag-renew ng kanilang pasaporte.
Ayon kay Cayetano, sa oras na maubos na ang nasabing bilang ay handa pa silang magbukas ng panibagong batch ng appointment slot.
Tiniyak din ni Cayetano na kanilang pananagutin ang mga sindikato na nambibiktima at nananamantala sa mga nais mag-proseso ng pasaporte ngunit bigong makakuha ng appointment slot online.
Magugunitang ibinasura ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ang kahilingan ng travel agencies na ibalik na sa kanila ang 1,200 slots nila araw-araw para sa passport appointment.
Ayon kay Cayetano, malinaw sa batas kung sino ang mga dapat na iprayoridad sa pagbibigay ng pasaporte.