Isinusulong sa Kamara ang “Student Aid Bill” na layong pagkalooban ng tulong pinansyal ang mga estudyante sa tuwing mayroong national emergency o krisis gaya ng COVID-19 pandemic.
Sa ilalim ng panukala ng Makabayan Bloc, makakatanggap ang mga mag-aaral ng One-Time Financial Assistance na 10,000 pesos na makakatulong para sa kanilang pang-matrikula, iba pang school fees, gadgets, internet connectivity at para na rin sa pagbabalik ng face-to-face classes.
Paliwanag ng makabayan, tumaas ang dropout rate sa mga kabataan bunsod ng implementasyon ng distance learning simula nang pumutok ang pandemya noong 2020.
Marami rin anilang magulang ang nawalan ng trabaho dahilan upang tumigil sa pag-aaral at hindi makasabay ang ilang mga estudyante sa ipinatutupad na online learning. —sa ulat ni Tina Nolasco (Patrol 11)