Pumalo na sa limampung (50) porsyento ng mga Pilipino o tinatayang labing isa punto limang (11.5) milyong pamilya ang nagsabing sila ay mahirap, mas mataas sa apatnapu’t apat (44) na porsyento sa huling quarter ng 2016.
Batay ito sa resulta ng survey ng SWS o Social Weather Stations na ginawa sa pagitan ng Marso 25 at 28.
Nakita rin sa survey na para matugunan ang pangangailangan ng isang pamilya, kailangang mayroong hindi bababa sa dalawampung libong pisong (P20,000) buwanang budget ang mga nakatira sa Metro Manila at sampung libong piso (P10,000) naman sa nalalabing bahagi ng bansa.
Samantala, walo punto isang (8.1) milyong pamilya naman ang nagsabing sila ay food-poor at ito ay mas mataas sa pito punto pitong (7.7) milyong pamilya noong huling quarter ng 2016.
Natukoy din sa survey na para matugunan ang pangangailangan sa pagkain, ang isang pamilya na nakatira sa Metro Manila ay kailangang mayroong siyam na libong pisong (P9,000) budget para sa pagkain at limang libong pisong (P5,000) budget naman para sa nalalabing bahagi ng bansa.
By Katrina Valle
11.5M pamilyang Pinoy nagsabing sila ay mahirap—SWS was last modified: April 28th, 2017 by DWIZ 882