Hindi nakalusot sa mga tauhan ng Bureau of Immigration ang 11 Chinese tourists na nagtangkang pumasok sa bansa.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, idinahilan ng mga dayuhan na inimbitahan sila ng dalawang telecommunications companies para sa dumalo sa kanilang komperensiya.
Ang mga turista ay sinasabing lulan ng China Southern Airlines nang dumating ng Maynila galing Guangzhou at pawang may hawak na ‘exemption documents’ at ‘temporary visitor visa’.
Gayunman, sinabi ni Morente na magkakasalungat ang pahayag ng mga suspek at hindi rin umano sapat ang mga dokumentong hawak ng mga ito para payagan silang makapasok ng bansa.
Dahil dito, agad na pinabalik sa kanilang bansa ang mga dayuhan at inilagay ang mga pangalan sa immigration blacklist.