Labing-isang katao ang sugatan matapos magsalpukan ang tatlong pampasaherong jeep sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 5, bandang alas diyes ng umaga kahapon nang maganap ang aksidente malapit sa kanto ng Tandang Sora Avenue, Brgy. Old Balara.
Sa inisyal na imbestigasyon, nagmamaneho ang driver na si Noel Lipango sa Commonwealth Avenue mula Philcoa nang mawalan ito ng preno, kung saan nabangga niya ang jeep ni Fernando Cadayona.
Tumagilid naman ang jeep ni Cadayona na naging dahilan sa pagsalpok nito sa isa pang pampasaherong jeep na minamaneho ni Rolando Rubia.
Walong pasahero mula sa jeep ni Cadayona ang sugatan, samantalang tatlo naman ang mula kay Lipango.
Dinala sa East Avenue Medical Center ang siyam sa mga sugatan. Hindi pa rin alam ang kanilang pagkakakilanlan sa ngayon.
Samantala, iniimbestigahan pa rin ng Traffic Sector 5 ang tatlong jeepney driver upang malaman ang pinagmulan ng banggaan.