Nasagip ng mga tauhan ng Philippine National Police – Anti -Kidnapping Group (PNP – AKG) ang 4 na biktima ng kidnap for ransom sa dalawang magkahiwalay na operasyon nito.
Ayon kay PNP-AKG Director P/BGen. Jonnel Estomo, nasagip sa isang klinika sa N.S Amoranto sa Quezon City ang isa sa mga biktimang kinilalang si Ming Xuanbo kasunod ng tip na itinimbre sa mga awtoridad.
Naaresto rito ang 3 kidnapper na kinilalang sina Liang Khai Chean na isang Malaysian, Mou Yun Peng na isang Chinese at ang Pinoy na si Benjie Labor.
Nabunuyag sa isinagawang imbestigasyon mula sa biktima na may 3 pa siyang kasamahan na itinatago ng mga suspek sa Mexico, Pampanga kaya’t nagkasa ng follow up operation ang pulisya.
Duon, nasagip ang iba pang mga biktimang kinilalang sina Zhan Wei , Shi Li Wen At Wu Xin na pawang mga Chinese habang arestado naman ang 8 pang suspek kabilang na ang dalawang Chinese at anim na Pinoy.
Nabatid na pagkakautang ang dahilan ng mga suspek para dukutin ang mga biktima na nagtatrabaho sa POGO upang ipatubos sa kani-kanilang pamilya buhat sa mainland China.
Dahil dito, ikinakasa na ng Pulisya ang patumpatong na mga kasong kanilang isasampa laban sa mga naarestong suspek. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)