Tuloy-tuloy ang pagtaas ng COVID-19 cases sa 11 lugar sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa Department of Health (DOH), kinabibilangan ito ng mga lugar ng Makati, Parañaque, San Juan, Mandaluyong, Muntinlupa, Las Piñas, Pasig, Maynila, Quezon City, Marikina at Valenzuela.
Ibinatay ang pagtaas sa nakalipas na isa hanggang dalawang linggong positivity at two-week growth rate.
Nasa low risk naman ang lahat ng nabanggit na lungsod sa NCR maliban sa Makati at Parañaque na bahagyang tumaas ang ICU utilization rate.
Sa ngayon, hindi itinuturing ng DOH na “significant” ang nakitang pagtaas dahil karamihan sa kaso ay asymptomatic.