Labing isang (11) mga martir at bayaning nakipaglaban noong panahon ng diktaturyang Marcos ang pinarangalan ng Bantayog ng mga Bayani Foundation kahapon.
Kasabay ito ng paggunita sa ika-154 na kaarawan ni Andres Bonifacio.
Kabilang sa mga pinarangalan at iniukit ang mga pangalan sa wall of remembrance sina Tayab Arthur Aboli, Cesar Cayon, Coronacion Chiva, Jose Dizon, Pablo Fernandez, Lumbayan Gayudan, Antonio Ma. Nieva, Sabino Padilla Jr., Francis Sontillano, Dalama (Elma) Villaron at Alfonso Yuchengco.
Tumanggap naman ng plaque of recognition ang mga kaanak ng mga pinarangalang mga bayani at martir kung saan ang iba ay may dalang mga posters ng ala-ala ng kanilang mga mahal sa buhay.
Dumalo rin sa programa bilang mga panauhin sina dating Department of Social Welfare and Development o DSWD Secretary Judy Taguiwalo at Ginang Edita Burgos, ina ng nawawalang aktibista na si Jonas Burgos.
—-