Labing isang distressed o mga nawala sa katinuan na Overseas Filipino Worker ang naitala sa Jeddah.
Ayon kay Consul Rodney Jonas Sumague ng konsulado ng Pilipinas sa Jeddah, hindi pa ina-admit sa mental health facility sa ospital sa Jeddah ang nasabing mga OFW.
Ngunit pagtitiyak ni Sumague na nabigyan na ng paunang lunas ang mga OFW at ngayon ay nasa pangangalaga ng konsulado.
Sinabi pa ni Sumague na iba-iba ang kuwento ng mga OFW, ilan pa aniya sakanila ay mismong employer na ang nakipag-ugnayan sa konsulado ukol sa kalagayan ng pag-iisip ng OFW.
Ayon naman sa POLO-OWWA o Philippine Overseas Labor Office – Overseas Workers Welfare Administration, karamihan sa mga nawala sa katinuan ay mga baguhan na wala pang isang taon sa trabaho.
Gayunpaman, kinakailang pa rin nilang sumailalim sa masusing obserbasyon ng mga eksperto para matukoy ang tunay na sanhi ng kanilang naging kalagayan.
Samantala, umapela ng tulong ang POLO-OWWA at konsulado sa gobyerno na agarang magpadala ng tulong tulad ng medical team upang umayuda sa pangangalaga sa mga naturang OFW.
Posted by: Robert Eugenio