Sinibak na sa pwesto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang 11 pulis na kinasuhan ng National Bureau of Investigation dahil sa pagkawala ng apat na lalaki na nasa kanilang kustodiya noong 2021.
Alinsunod ito sa pagtitiyak ng NCRPO na linisin ang organisasyon.
Ayon kay acting NCRPO Regional Director, Brig. Gen. Jonnel Estomo, kinukundena nila at hindi kinukunsinte ang paglabag ng mga opisyal sa karapatang pantao at batas.
Kinilala ang mga opisyal na sina dating Regional Drug Enforcement Unit chief, Lt. Col Ryan Orapa, Lt. Jesus Menez;
Staff Sergeants Ronald Lanaria, Ronald Montibon, Troy Paragas, Roy Pioquinito, Robert Raz Jr.; Corporals Christal Rosita, Denar Roda, Alric Natividad at Ruscel Solomon.
Pawang nahaharap ang mga ito sa kasong Kidnapping, Serious Illegal Detention, paglabag sa Anti-Enforced o Involuntary Disappearance Act na inihain ng NBI Task Force Against Illegal Drugs noong October 19.
Nag-ugat ang kaso sa pagkawala at pinaghahanap pa ring magkapatid na Gio at Mico Mateo, maging ang mga Online sabungerong sina Garry Matreo Jr., at Ronaldo Añonuevo noong April 13, 2021.