Dumating na sa Albay ang water tanker mula sa lalawigan ng Catanduanes na magsu-suplay ng malinis na tubig sa mga apektadong residente na nasa evacuation centers dahil sa patuloy na pag-alburuto ng bulkang Mayon.
Ayon kay Philippine Red Cross Albay Operations Officer Gerald Gapayao, mayroong laman na 12,000 liters na tubig ang tangke na kanilang ipamamahagi sa libu- libong evacuees.
Uunahin aniya nila na bigyan ng supply ang mga evacuation center na nasa ikatlong distrito ng Albay dahil karamihan sa mga sources ng tubig sa lugar ay apektado ng ashfall.
Samantala, nagpasalamat naman si Gapayao sa mga volunteers na patuloy na nagpapakita ng pagiging bukas sa pagtulong sa mga Albayano.
—-