Dapat ipatupad ang number o color coding scheme sa loob ng 12 oras kada araw para solusyonan ang masikip na daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Mungkahi ito ni retired Police General Romeo Maganto, ang kilalang traffic czar noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Fidel Ramos.
Ayon kay Maganto, naranasan na niya ang magkaroon lamang ng dalawang lanes sa EDSA noong panahong ginagawa pa ang MRT subalit, nagawan nila ng paraan upang hindi masyadong maabala ang mga motorista sa masikip na daloy ng trapiko.
“Tinatawag kong maintenance day, so during the time na off the road ang sasakyan mo eh di i-maintain mo yung brakes etc., alam mo nakakagulo lang ang window window na sinasabi nila kasi hindi naman lahat ng drivers ay matatalino, mga professional.” Ani Maganto.
Binigyang diin ni Maganto na kasabay ng implemetasyon ng color o number coding scheme ang mahigpit na implementasyon ng traffic rules.
Ayon kay Maganto, noong panahon niya bilang traffic czar, binibigyan nila 25 porsyentong komisyon ang mga traffic enforcers sa bawat matitiketan na motorista bilang incentive.
At bilang pambalanse ay matinding parusa naman ang nakalaan sa mga traffic enforcers na irereklamo ng motorista.
“Alam mo ang isang lider na nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan na alam naman niyang gumagawa ng katarantaduhan ang kanyang mga tao eh ang tawag ko dun ay protector at kunsintidor and the worst puwede pa siyang tawaging mastermind.” Dagdag ni Maganto.
Free service
Libreng ibibigay ni dating traffic czar, retired Police General Romeo Maganto ang kanyang serbisyo sa gobyerno para ayusin ang problema sa masikip na daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Binigyang diin ni Maganto na kaya niyang resolbahin ang problema sa trapiko sa Metro Manila.
Pinuna ni Maganto na lumala ang problema ng trapiko sa Metro Manila dahil sa kabiguan ng MMDA o Metro Manila Development Authority na ipatupad ang kanilang mandato na nasasaad sa batas.
Ang kapalpakang ito aniya ng MMDA ang naging dahilan kaya’t ibinigay ng Pangulong Noynoy Aquino sa Highway Patrol Group ang pagmamando ng trapiko sa EDSA kahit pa hindi ito kasama sa tungkulin ng mga pulis.
“I’m ready to serve, libreng serbisyo dahil ang akin ay makatulong lang at pulisya supposedly ang trabaho ng pulis will be on crime prevention, crime solution and protection of our people hindi traffic, ngayon naging principal ano na sila because of inability of MMDA to implement smooth traffic management in Metro Manila.” Pahayag ni Maganto.
By Len Aguirre | Ratsada Balita
Photo Credit: www.philippinestaxiservice.com