Mananatili sa Research Institute for Tropical Medicine o RITM ang 12 pasyente na nakitaan ng sintomas ng Middle East Respiratory Syndrome-Corona Virus (MERS-CoV).
Ayon kay Dr. Lyndon Lee-Suy, Spokesman ng Department of Health (DOH), kailangang makumpleto ng mga pasyente ang 14 na araw na quarantine period upang matiyak na ligtas na sila sa MERS-CoV.
Sa ngayon ay negatibo na di umano sa MERS-CoV ang 12 pasyente subalit kailangan nilang ulitin ang mga pinagdaanan nilang pagsusuri hanggang sa October 13.
Ipinaliwanag ni Lee-Suy na mahalagang ulitin ang mga pagsusuri dahil may posibilidad na mababa lamang ang viral load sa naunang pagsusuri kayat nag negatibo ang mga ito.
Inilagay sa quarantine ang 12 pasyente makaraang lumabas na nagkaroon sila ng close contact sa 63-taong gulang na Saudi national na nasawi sa MERS-CoV noong September 29 sa isang hindi tinukoy na pribadong ospital.
By Len Aguirre