Handa na para sa operasyon ang 12 mula sa 16 na bus stops na itinayo sa kahabaan ng EDSA.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Spokesperson Celine Pialago, halos 80% nang kumpleto ang mga bagong bus stops, samantalang apat pa sa mga ito na itinayo sa Buendia, Taft, Kamuning at Pasay ay wala pang clearance mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sinabi ni Pialago na ang mga naturang bagong bus stops ay mayroong waiting shed, marking at bakod.
Inaasahan aniyang sa mga susunod na araw ay maitatayo na rin ang concrete barriers at steel separators, gayundin ang mg elevator na maaaring magamit ng senior citizens.
Samantala, ipinabatid ni Pialago na 550 city buses lamang ang otorisadong mag-operate sa rutang Monumento patungong Parañaque Integrated Terminal Exchange, taliwas sa bumabyahe noong Enero at Pebrero na 2,500.