Labing dalawang (12) tanggapan sa loob ng Bureau of Customs o BOC ang nabunyag na binibigyan ng ‘tara’ ni Customs broker Mark Taguba.
Bilang patunay, iprinisinta ni Taguba sa Senate Blue Ribbon Committee ang call logs o listahan ng mga tawag sa telepono sa pagitan niya at mga anya’y bagman ng bawat tanggapan ng BOC.
Kabilang sa mga tanggapang nabanggit ni Taguba ang IAS o Import Assessment Services na pinamumunuan ni Milo Maestrocampo, Intelligence Group ng Bureau of Customs, Formal Entry Division Collector, District Director Office ng CIIS o Customs Intelligence and Investigation Service, District Director’s Office ng CIIS, Director’s Office ng ESS o Enforcement and Security Service, District Office ng ESS, EID Section, AOCG o Assessment and Operations Coordination Group at X-Ray Division.
Bawat tanggapan aniya ay mayroong kanya-kanyang bagman tulad na lang ng tanggapan ng CIIS Director na ang bagman ay si Joel Pinawin o kaya ay nagngangalang May.
PAKINGGAN: Bahagi ng pagdinig ng Senado ukol sa ‘tara’ system sa Customs
Nabanggit rin bilang mga bagman sina Tita Nani para sa IAS, Luigi at Gerry para sa intelligence group at Jojo Bacud para sa AOCG.
Ang pangalang Jojo Bacud ay matagal na ring nababanggit ni Taguba sa mga nakaraang pagdinig ng Senado kaya’t nagpasya si Senador Richard Gordon, chairman ng komite na ipaaresto ito.
PAKINGGAN: Bahagi ng pagdinig ng Senado ukol sa ‘tara’ system sa Customs
(Ulat ni Cely Bueno)