Aabot sa 120 iba’t-ibang uri ng loose firearms ang nasamsam ng mga tauhan ng Eastern Police District (EPD) sa ikinasang oplan “kontra boga” sa iba’t-ibang lugar sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay EPD Director PBGen Orlando Yebra, Jr., nakumpiska ang naturang mga armas matapos ang pinagsamang operasyon sa loob ng mahigit isang taon o mula Enero 2021 hanggang sa kasalukuyan.
Nabatid na nagkasa ang mga otoridad ng checkpoint operation, anti-drug operation, search warrant at maagap na pagresponde at pag-aksyon sa sumbong ng mga residente sa apat na lugar sa Metro Manila.
Alinsunod sa direktiba ni PNP OIC, PLt. Gen. Vicente Danao, Jr., dapat ipresenta sa publiko ang imbentaryo ng mga nakumpiskang baril sa pamamagitan ng forensic unit na siyang opisyal na nag-iimbentaryo at nagbibigay kustodiya sa mga baril upang mapangalagaan at magamit ito bilang ebidensya.
Samantala, bukod sa oplan “kontra boga” pinalalakas din ng ahensya ang implementasyon ng “oplan katok” ng PNP, kung saan nasa kabuuang 1,044 short at long firearms ang boluntaryong naisurender mula sa mga may-ari nito na hindi pa umano naiparehistro mula January 2022 hanggang sa kasalukuyan.
Sa kabila nito, layunin ng mga otoridad na mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa bansa.