Hawak na ng Malacañang ang listahan ng mga bilanggo na puwedeng bigyan ng executive clemency.
Ayon kay Administrator Manuel Co ng Board of Pardons and Parole, isandaan at dalawamput pitong (127) bilanggo na may sakit at matatanda na ang inirekomenda nilang mabigyan ng pardon at mapalaya na.
Dumaan na anya ito sa pag-aaral board at na proseso na rin ng Department of Justice (DOJ) at inaprubahan na ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre bago isinumite sa Malacañang.
Ipinaliwanag ni Co na posibleng dumaan pa ito sa review ng Office of the Executive Secretary bago papirmahan sa Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaan na nangako ang Pangulong Duterte na palalayain na ngayong Bagong Taon ang mga matatanda na at may mga sakit nang bilanggo.
DOJ
Tiniyak naman ni Justice Secretary Vitaliano aguirre na mapapalaya ang may 127 mga matatanda at may sakit na mga bilanggo.
Ayon kay Aguirre, posibleng natabunan lamang ng maraming mga trabaho ng Pangulo ang isinumite nilang listahan ng mga mabibigyan ng executive clemency.
Tiwala si Aguirre na itutuloy ito ng Pangulong Rodrigo Duterte dahil harap-harapan nyang ipinangako ang pagpapalaya sa mga karapatdapat na bilanggo.
By Len Aguirre