Ginunita kahapon ang ika-12 anibersaryo ng Ampatuan Massacre na naganap noong 2009 sa Maguindanao.
Nag-alay ng misa ang National Press Club bago nagtirik ng kandila at bulaklak sa marker ng Maguindanao massacre sa Sitio Masalay, barangay Salman, sa bayan ng Ampatuan.
Ayon kay NPC President Paul Gutierrez, patuloy nilang ipagtatanggol at ipupursige ang karapatan at kapakanan ng mga mamamahayag.
Sa gitna ng nalalapit na eleksyon sa susunod na taon, tiniyak naman ni Gutierrez sa publiko na hindi magpapadala ang mga mamamahayag sa mga kasinungalingan at panlilinlang na kaakibat ng halalan.
Naganap ang malagim na krimen sa panahon ng filing ng certificate of candidacy, kung saan tinambangan ang convoy ng mga sasakyan lulan ang limampu’t walong biktima kabilang ang tatlumpu’t dalawang mamamahayag.
Patungo ang mga biktima sa Comelec satellite office noon upang maghain ng c.o.c. Para kay Esmael “Toto” Mangudadatu, na noo’y vice mayor ng bayan ng Buluan. —sa panulat ni Drew Nacino