Bunga ng maigting na pagtutulungan ng isang telco o telecommunications company at ng mga lokal na awtoridad para sugpuin ang laganap na pagnanakaw ng mga kable, 13 suspek ang naaresto sa loob lamang ng isang linggo, mula Hulyo 18 hanggang 24, taong kasalukuyan.
Nabatid na anim na mga kontratista ng ibang kompanyang pang-telekomunikasyon ang nahuli dahil sa pagnanakaw ng Globe copper wires sa kahabaan ng Manuel L. Quezon St. sa Cabancalan, Mandaue City, noong Hulyo 19.
Kasabay nito, huli rin ang tatlo pang suspek sa Silay City, Negros Occidental; dalawa sa Bais City, Negros Oriental; isa sa Quezon City; at isa rin sa Mandaue.
Nangyari ito kasunod ng pagsasampa ng kaso laban sa siyam katao na nahuli sa Cavite at Quezon City noong unang linggo ng Hulyo.
Sinasabing sa entrapment operation sa Tanza, Cavite, tatlo sa kanila ay nahulihan ng 50 kahon ng mga ninakaw na kable ng telco na nagkakahalaga ng P129,000.
Naaktuhan din ang isa pang lalaki dahil sa pagnanakaw naman ng Bayantel copper wires sa kahabaan ng Congressional Avenue sa QC.
Lalo pang pinalalakas ng Globe ang laban nito sa talamak na pagnanakaw ng kable sa tulong ng kampanyang #BantayKable, kasama ang Philippine National Police (PNP) at mga barangay tanod.
Sa sunod-sunod na operasyon, ilang mga magnanakaw na naaresto sa QC at Cagayan de Oro City ang nasentensiyahan na ng isa hanggang apat na buwan na pagkabilanggo.
Maliban dito, sa unang kalahati ng taon, may kabuuang 281 indibidwal at third-party contractors na ang nakasuhan ng pagnanakaw, qualified theft, robbery, violation ng anti-fencing law, malicious mischief at paglabag sa Omnibus Election Code at Republic Act 10515 o ang Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013.
“Patuloy na namumuhunan ng malaki ang Globe para i-upgrade at gawing moderno ang network nito. Pero nahahadlangan ng mga ilegal na aktibidad ang pagsisikap namin na mabigyan ng mas mahusay na serbisyo ang mga mamamayang nangangailangan ng maayos na koneksyon para sa kanilang pagtatrabaho, pag-aaral, libangan, at komunikasyon,” wika ni Atty. Froilan Castelo, Globe Group General Counsel.
“Ito ang dahilan kung bakit nakikipagtulungan kami nang husto sa pulisya, sa mga lokal na pamahalaan, at iba pang stakeholders para matigil ang krimen na ito na nakaaapekto sa kritikal na imprastraktura ng ICT na nagdudulot ng pagkaantala ng serbisyo sa aming mga customer,” sabi ni Castelo.
Ayon kay Castelo, layon ng kompanya na protektahan ang imprastraktura nito para mabigyan ang mga Pilipino ng pantay na access sa connectivity na naaayon sa pagsuporta nito sa United Nations Sustainable Development Goals. Itinataguyod ng UNSDGs ang innovation at imprastraktura upang maitulak ang paglago at pag-unlad ng ekonomiya.