Tinukoy na ng Department of Science and Technology (DOST) ang 13 ospital na pasok sa solidarity trial ng World Health Organziation (WHO) para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccines.
Sinabi ni DOST Secretary Fortunato Dela Peña na inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga inirekomendang ospital na mangangasiwa sa walong trial zones na pagdarausan ng solidarity trial.
Kabilang sa mga natukoy na ospital sa National Capital Region (NCR) ang Philippine General Hospital, Manila Doctors Hospital, San Lazaro Hospital, Lung Center of the Philippines, St. Luke’s Medical Center-Quezon City, Research Institute for Tropical Medicine, Makati Medical Center, The Medical City at St. Luke’s Medical Center-BGC.
Samantala, ilan sa mga ospital ay nasa mga lalawigan tulad ng Vicente Sotto Memorial Medical Center at Chong Hua Hospital sa Cebu City, Dela Salle Health Sciences Institute sa Cavite at Southern Philippines Medical Center sa Davao City.
Ang WHO solidarity trial ay magsisimula sa susunod na buwan at inaasahang makukumpleto sa second quarter ng 2021.