Labing-tatlong (13) menor de edad ang nasagip habang limang iba pa ang arestado dahil sa pagkakasangkot sa child pornography at sex trafficking sa Bislig City, Surigao del Sur.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Archie Gamboa, dahil sa impormasyon mula sa Australian Federal Police ay matagumpay naisagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng
Women and Children Protection Center and Anti-Cybercrime Group, Caraga Region Police, Department of Social Welfare and Development at Regional Inter-Agency Council Against Trafficking (RIACAT).
Aniya, nakatanggap sila ng tip mula sa mga awtoridad sa Australia hinggil sa online live sex shows na kinatatampukan ng mga menor de edad sa Bislig at ipinalalabas pa ito nang libre sa mga manonood sa internet.
Kabilang sa mga nadakip ay mga magulang pa mismo ng ilan sa mga batang biktima.
Inihahanda na ang mga kaukulang kasong isasampa laban sa mga suspek.