Nasa 13 indibidwal ang nareskyu ng mga otoridad habang nawawala at patuloy pang pinaghahanap ang pitong tripulante matapos salpukin ng isang cargo ship ang isang fishing boat sa karagatang sakop ng Agutaya, Palawan.
Base sa imbestigasyon, nangingisda sa lugar ang 20 Pinoy sakay ng FB JOT-18L nang banggain umano ng MV Happy Hiro, isang cargo vessel na nakarehistro sa Republic of the Marshall Islands sa Maracanao Island.
Ayon sa PCG, hindi muna isinapubliko ang mga pangalan ng mga nawawalang biktima dahil hindi pa ito naipapaalam sa kanilang mga pamilya.
Patuloy na nagsasagawa ng search and rescue operation ang mga tauhan ng PCG sa pag-asang matatagpuan ang mga nawawalang mangingisda.
Sa ngayon, binigyang na ng paunang lunas ang mga nareskyu habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa naganap na insidente.