13 Pilipino ang naka-uwi na sa bansa mula sa Sri Lanka dahil sa patuloy na nararanasang krisis sa ekonomiya sa nasabing bansa.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, binubuo ng anim na babae, dalawang lalaki at limang menor-de-edad ang first batch ng mga na-repatriate.
Dumating ang mga nasabing indibidwal, na ang return ticket ay pinondohan ng kagawaran sakay ng commercial flight mula Colombo.
Sinabi pa ng DFA na asahan ang pagdating nang mas marami pang Pinoy sa bansa kung saan target nito na makapag-repatriate ng mahigit 100 Pinoy mula sa Sri Lanka sa ikalawang linggo ng Agosto.
Patuloy naman na mino-monitor ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs kabilang ang Philippine Embassy sa Bangladesh at Philippine Honarary Consulate General sa Colombo ang sitwasyon at mga alalahanin ng mga Pilipino sa naturang bansa.