Patay ang 13 na Pilipino, sa sunog sa Capitol Hotel sa Erbil, sa Iraqi Kurdistan.
Ayon kay Elmer Cato, Charge d’ Affaires ng embahada ng Pilipinas sa Baghdad, ito ay ayon sa report sa kanila ng Kurdistan officials.
Sinabi ni Cato na magtutungo sila sa Erbil upang kilalanin at ayusin ang repatriation ng mga nasawi.
Batay sa mga inisyal na report, nagsimula ang sunog sa massage parlor, kung saan nagtatrabaho ang mga Pilipino na katabi ng hotel.
Inaalam pa ang sanhi ng sunog, subalit pinaghihinalaang sa faulty electrical wirings ito nagsimula.
Repatriation
Tiniyak naman ng embahada ng Pilipinas sa Baghdad na iuuwi nila sa lalong madaling panahon ang labi ng 13 na Pilipinong nasawi sa sunog sa isang hotel sa Iraq.
Ayon kay Cato, ang kanilang prayoridad ngayon ay matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima at maipaalam agad sa mga kaanak nito ang insidente.
Patungo na anya sila ngayon sa siyudad ng Erbil kung saan naganap ang sunog at inaasahang makakarting sila doon mamayang alas-3:00 ng hapon, oras dito sa pilipinas.
Ayon kay Cato, karamihan sa mga biktima ay empleyado ng nasunog na hotel.
Bagamat mayroon anyang deployment ban sa mga bagong manggagawa sa Iraq, marami pa ring Pilipino ang nagtatrabaho sa Kurdistan region dahil mas stable ang seguridad doon kumpara sa ibang bahagi ng Iraq.
By Katrina Valle | Jonathan Andal