Nabigyan na ng ayuda ng embahada ng Pilipinas sa Cairo ang 13 mga Pilipino na nasugatan matapos maaksidente ang sinasakyang bus sa Mt. Sinai, Egypt.
Ayon kay Foreign Affairs Assitant Secretary Eduardo Menez, may pagkakakilanlan at impormasyon na sila hinggil sa mga biktimang Pinoy pero hindi na nila ito isasapubliko alinsunod na rin sa kahilingan ng mga ito.
Dagdag ni Menez, ligtas na at nabigyan na rin ng tulong ni Cairo Ambassador Sulpicio Confiado ang mga nadisgrasiyang Pinoy.
Samantala, sinabi ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, nakalabas na ng ospital sa Egypt si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Secretary General Father Marvin Mejia na kabilang sa grupo ng mga naaksidenteng Pilipino.
Batay sa ulat, 13 mula sa 15 mga Pilipino ang nasugatan nang maaksidente ang kanilang sinasakyang bus matapos bisitahin ang Saint Catherine’s Monastery sa Mount Sinai bilang bahagi ng kanilang Egypt tour.