Pinakakasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ang labing tatlong tauhan ng Philippine National Police (PNP) na sangkot umano sa pagdukot ng apat na drug suspects na hindi parin nakikita hanggang sa ngayon.
Kabilang sa nais pakasuhan ng NBI, ang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Drug Enforcement Unit at ang labing dalawa pang mga pulis.
Matatandaang noong Abril, pinagharap sa senado ang mga pulis ng NCRPO Regional Drug Enforcement Unit at dalawang police asset upang linawin ang alegasyon hinggil sa pagdukot kung saan, nakita silang kasama ang mga drug suspect sa isang cctv footage.
Iginiit naman ng mga pulis na hindi sila magkakakilala at magkakaiba umano ang kanilang isinagawang operasyon.
Nabatid na dati naring ipinatawag ng NBI ang mga sangkot na pulis ng NCRPO para magpaliwanag pero hindi humarap ang mga ito sa ahensya.
Ayon sa NBI, nangangalap na sila ng ebidensya para alamin kung ano ang motibo sa pagkawala ng apat na suspek.
Sa ngayon, wala pang pahayag ang PNP hinggil sa naturang usapin dahil hinihintay pa umano ang kopya ng isasampang reklamo laban sa sangkot na mga pulis.