13 ang sugatan sa karambola ng 12 sasakyan sa Mandaluyong City.
Naganap ang insidente sa kanto ng Shaw Boulevard at San Miguel Avenue, Barangay Wack Wack, dakong alas 8:30 kahapon ng umaga.
Batay sa CCTV footage, nagmula sa Sherdian Street at patungo sanang One San Miguel, Pasig City ang sports utility vehicle na Toyota Landcruiser nang araruhin nito ang dalawang motorsiklo.
Ayon sa Eastern Police District, inararo rin ng Landcruiser ang isa pang SUV at motorsiklo maging ang poste ng ilaw habang tinatahak ang panulukan ng Shaw at San Miguel Avenue.
Umatras pa ang Landcruiser pero nabangga nito ang isa pang motorsiklo na may dalawang sakay hanggang sa muling araruhin ang ilan pang sasakyan.
Agad namang isinugod sa Rizal Medical Center sa Pasig at Mandaluyong Medical Center ang mga nasugatan.
Samantala, arestado ang driver ng Landcruiser na si Dominador Varga at pasaherong si Jose Marie Roldan.
Sumailalim sa Alcohol test sina Varga at Roldan sa Land Transportation Office at posibleng maharap sa mga kasong Reckless Imprudence Resulting Multiple Physical Injuries at Damage to Property.
Iniimbestigahan na rin kung sinadya o nagkaroon ng mechanical malfunction ang sasakyan.