Patay ang labing tatlong (13) miyembro ng Marine Battalion Landing Team 7 sa matinding bakbakan sa Marawi City laban sa Maute Group noong Biyernes.
Ito’y kasunod ng pag-anunsyo ng militar na target nilang bawiin ang buong Marawi sa Lunes sa mismong ‘Araw ng Kalayaan’.
Ayon kay Joint Task Force Marawi Spokesperson Lt. Col. Jo-ar Herrera, nagsasagawa ng combat clearing operations ang mga sundalo para sagipiin ang ilang bihag ng mga terorista sa Barangay Lilud Madaya nang sumiklab ang matinding putukan.
Gumamit anya ang mga kalaban ng mga improvised explosive device (IED) at RPG o Rocket Propel Grenades.
Naging pahirapan din aniya sa mga sundalo ang nasabing sagupaan dahil ginagamit ng Maute ang mga sibilyan doon bilang human shield at ginagawang taguan ang mga mosque na hangga’t maari’y ayaw tirahin ng militar.
Samantala, naniniwala naman ang militar na napuruhan nila sa bakbakang iyon ang kalaban.
Sa kabuuan, nasa 58 tropa ng gobyerno na ang napapatay sa bakbakan sa Marawi.
“We are saddened with the result, we have 13 killed in action and we are still waiting for the reports pertaining with the wounded in actions. So, ang nangyari sa ating mga marines because they wanted to protect those civilians and to ensure to save the lives of the hostages. Yun po yung nangyari, nangkaroon po ng intense fire fight”, bahagi ng pahayag ni Herrera.
Retrieval teams na susuyod sa Marawi binuo na
Binuo na ang retrieval teams na susuyod sa Marawi City kapag tuluyan na itong na clear o nalinis ng militar mula sa Maute Group.
Ayon kay Atty. Laguib Senarimbo, Marawi City Crisis Management Committee Coordinator, inaasahan na nilang maraming labi ang makukuha nila sa war zone samantalang tinututukan din nila ang mga tawag para magpa-rescue.
Sinabi ni Senarimbo na halos isanlibong (1,000) sibilyan pa ang naiipit sa loob ng lungsod ang nakatawag na sa mga otoridad.
Naghihintay pa aniya sila ng go signal ng militar at pulis para tuluyang makapasok sa Marawi City kung saan patuloy ang bakbakan ng mga sundalo at Maute Group.
Nakipagpulong na ang Marawi City Crisis Management Committee sa Forensic personnel ng PNP o Philippine National Police at maging sa International Committee of the Red Cross para planuhin ang retrieval operations.
By Jonathan Andal / Judith Estrada – Larino