Umaabot sa 1,300 mga sundalo mula sa Southern Luzon ang ipinakalat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga lugar na pagdarausan ng 30th Southeast Asian Games sa Calabarzon.
Ayon kay Lt. General Gilbert Gapay, Commander ng Southern Luzon Command (Solcom), kabilang sa mga itinalaga ay mga miyembro ng army, navy at airforce na siyang magbibigay seguridad para palaro.
Habang naka-standby na rin ang isang Army Infantry Battalion at isa pang combat group ng Philippine Airforce na magbabantay sa seguridad ng mga atleta, coaches, staff at venue para sa SEA Games.
Tiniyak pa ni Gapay na may nakalatag na rin silang contingency plans para sa anumang mga hindi inaasahang pangyayari.
Gumagana na rin aniya ang kanilang multi agency coordination center.
Tiwala naman si Gapat na magiging maayos at matagumpay ang pag-host ng Pilipinas sa SEA Games.