Patuloy na sinisikap ng Department of Transportation (DOTr) na masolusyunan ang problema sa trapiko lalong-lalo na sa Metro Manila.
Bukod sa hinihingi nilang “emergency powers”, may mangilang-ngilan na rin silang mga hakbang upang maibsan ang kalbaryo ng ating mga kababayan.
Halimbawa na lamang ang ipinapatupad na “no window hour” sa umiiral na number coding scheme ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Katunayan, nitong mga nagdaang araw ay gumaan ang daloy ng trapiko sa Edsa at C5 dahil sa polisiyang ito.
Sa tala ng MMDA, aabot sa higit dalawandaang mga matitigas na ulong tsuper pa rin ang bumibiyahe gamit ang kanilang mga bawal na sasakyan.
Hindi kasi nating masisi ang ilan nating mga mamang-tsuper na mangahas at subukang maka-iwas sa hulihan.
Pero, kahit may ilang di nakikisama sa paraan ng MMDA na maibsan ang problema sa trapiko, may kapakinabangan naman ang hakbang na ito ng DOTr at MMDA.
Pero may higit pa palang problema ang ating traffic management, dahil sa impormasyon na aking nakalap, sa kabuuang bilang ng mga traffic enforcers o constable na meron ang MMDA, na sa kasalukuyan ay aabot sa dalawang libong (2,000) enforcers, tatlundaang (300) sa kanila ang nakapasa lamang sa ginawang pagsusulit o evaluation sa kanilang kakayahang gampanan ang taguring “traffic enforcers”.
Ang maliit na bilang ng mga pumasa ay senyales na di kwalipikado ang mga ito na humawak ng traffic management, lalong-lalo na kung paguusapan ang enforcement.
Batay sa aking pagtatanong sa MMDA, ilan sa mga naging constable ng MMDA, ay galing umano sa hanay ng beautification department ng ahensiya, na ilan sa kanila ay street sweeper o di kaya’y taga-dilig ng mga halaman sa center island ng kahabaan ng EDSA.
Naku po, kung ganun ang kalidad ng ating mga enforcers, siguradong malaking problema ang kakaharapin ng DOTr.
Katunayan, ayon sa source ko sa DOTr, naghahanap pa ang kagawaran ng higit-kumulang na labing tatlong libong (13,000) traffic enforcers para sa pinapalanong one agency o ang Inter-Agency Council on Traffic (i-ACT), na siyang hahawak sa pagmamando ng trapiko sa Metro Manila.
Ibig sabihin nito, tatanggalan na ng kapangyarihan ang bawat lungsod at bayan na humawak ng kani-kanilang traffic enforcers at tanging ang nag-iisang ahensiya na ang gaganap nito.
Sa madaling salita, itong mga LGUs o mga alkalde sa Metro Manila ay dapat ipaubaya ang traffic management sa i-ACT, para iisa na ang magiging kumpas nito sa pagpapa-iral ng batas trapiko.
Dito kasi nagkakaroon ng kalituhan sa sangkaterbang ordinansa at patakaran patungkol sa trapiko ang bawat alkalde sa Metro Manila.
Ngayon, kapag naisakatuparan na ang one agency, at mga kwalipikado na ang mga traffic enforcers, tiyak na bahagyang maayos na ang problema sa trapiko at tuluyang madidisiplina na rin ang mga motorista.