Hinimok ng isang kongresista ang mga employers mula sa pribadong sektor na maagang ipalabas ang 13th month pay o Christmas bonus ng kanilang mga manggagawa bago ang ika-25 ng Disyembre.
Ayon kay Quezon City Representive Precious Hipolito Castelo, tiyak na magiging malaking kaluwagan sa kinahaharap na araw-araw na pinansiyal na suliranin ng mga manggagawang Pilipino kung maagang maipamamahagi ang 13th month pay.
Ani Castelo, maiiwasan na ng mga manggagawa ang humiram ng pera kung maaga nilang makukuha ang kanilang yearend bonus at 13th month pay bago pa man ang itinakdang deadline para dito.
Maliban dito, pagpapakita na rin aniya ng pagmamalasakit sa parte ng mga employers ang maaagang pagpapalabas ng 13th month pay.
Dagdag ni Castelo, paraan na rin ito ng pagtulad sa gobyerno na siyang pinakamalaking employer sa buong bansa kung saan ipinalalabas ang 14th month pay ng kanilang mga personnel tuwing ika-15 ng Nobyembre.