Inilibing na ang 14-anyos na si Reynaldo de Guzman, ang binatilyong natagpuang tadtad ng saksak sa Gapan City, Nueva Ecija at sinasabing kasama ng kapwa binatilyong si Carl Arnaiz na napatay din, Agosto 18.
Dakong alas-9:00 kaninang umaga nang ihatid sa kanyang huling hantungan si ‘Kulot’ sa Pasig City Public Cemetery sa gitna ng issue na hindi tugma ang DNA ni De Guzman sa mga magulang nito.
Dakong alas-8:30 nang magsimula ang funeral convoy sa Anakpawis 2 sa Barangay San Andres, Cainta, Rizal patungo sa San Antonio Abad Parish sa Maybunga, Pasig City kung saan isang eulogy mass ang isinagawa.
Kasabay ng mga hagulgol at panaghoy, muling umapela ng hustisya ang pamilya at mga kaibigan ni Kulot at iginiit na mapanagot sa batas ang sinumang nasa likod ng pamamaslang.
—-