Labing-apat (14) na Chinese militia vessels ang namataan sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea.
Ito’y batay sa datos ng Asia Maritime Transparency Initiative (AMTS).
Ayon kay Carlo Schuster, retired US Navy Captain at ngayo’y propesor ng Diplomacy at Military Science, nakita rin doon na nagpapatrolya ang Pilipinas kung saan kasing dami rin nito ang barko ng China.
Ani Schuster, tila sinusubukan ng Beijing na magkaroon ng kontrol sa naturang lugar sa pamamagitan ng pagpapadala ng kanilang mga barko.
Umaasa rin aniya sila na sa pagpapadala ng mga barko ay maitataboy nila ang mga Pilipinong mangingisda para tuluyang makontrol ang bahagi ng isla.
Sakali kasi aniyang hindi na magtungo doon ang mga Pilipinong mangingisda, maging Coast Guard o Navy, madali na nila itong makokontrol at maaari na nilang tuluyang makamkam.