Nailigtas ng mga awtoridad ang nasa 14 na mga babaeng dayuhan na ibinubugaw umano sa mga kliyenteng dayuhan din mula sa isang condominium sa Parañaque City.
Ayon kay PNP Women and Children Protection Center ( WCPC)Chief Police Brig. General William Macavinta, nakatanggap sila ng e-mail mula sa isang babaeng humihingi ng tulong.
Kasunod nito, agad aniya silang nagkasa ng operasyon sa tulong ng Parañaque City Police at City Social Welfare and Development Office.
Naabutan ng grupo ang nasa 10 babaeng Chinese, tatlong babaeng Vietnamese at isang babaeng hapon na natutulog sa magkakahiwalay na condo unit sa Roxas Boulevard.
Kwento ng mga biktima, pinangakuan sila ng trabaho pero pagdating anila sa Pilipinas ay ibinubugaw na sila sa iba’t-ibang kliyente kung saan sinasaktan pa sila kapag hindi sila sumunod.
Naaresto naman sa operasyon ang isang lalaking Chinese na siyang caretaker umano ng mga condo unit.