Sinita ng Commission on Audit (COA) ang nasa 14 na opisyal ng Department of Justice (DOJ) na madalas bumiyahe sa labas ng bansa noong nakaraang taon at gumasta ng mahigit P6-M.
Batay sa 2018 annual audit report ng COA sa DOJ, tinukoy na pare-parehong set ng mga kawani o opisyal ng kagawaran ang dumalo sa 23 klase ng mga pulong o forum na ginanap sa iba’t ibang bansa.
Napuna rin ng COA ang pagbili ng DOJ ng mga airline tickets sa iisang travel agency lamang nang hindi dumaan sa government fares agreement ng Department of Budget and Management (DBM).
Maliban dito, aabot din sa halos P772,000 gastos ng DOJ ang walang kumpletong dokumento at mga resibo para sa disbursement voucher at liquidation reports.
Kasunod nito inirekomenda ng COA ang pagsusumite ng DOJ ng paliwanag, nakuhang benepisyo at pakinabang sa mga tinukoy na dinaluhang pulong, forum at iba pang events gayundin ng iba pang kinakailangang dokumento.