Nagbalik loob na sa pamahalaan ang 14 na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Midsayap, North Cotabato sa mismong araw ng mga puso.
Ayon kay Army’s 34th Infantry Battalion Commander Lt/Col. Edgardo Vilchez Jr., unang sumuko ang Field Commander ng BIFF na si alias Malayo sa ilalim ng Karialan Faction kasama ang 12 tagasunod.
Sinundan naman ito sa araw ding iyon ng isa pang BIFF combatant na sumuko at nakilala sa alias na Nick Taro na nagmula sa Northern Kabuntalan sa Maguindanao.
Kasamang isinuko ng mga bandido ang kani-kanilang armas na pawang matataas ang kalibre tulad ng M1 Garand Rifles, Springfield Cal. 30 Sniper Rifle, 7.62mm M14 rifle, 5.56mm M16 rifle, RPG, Cal .45 pistols at mga bala nito.
Pormal na sinaksihan ng Pamahalaang Bayan ng Midsayap at North Kabuntalan ang nangyaring pagsuko gayundin ng matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).