Patay ang 14 katao matapos ang ikinasang anti-criminality campaign ng pulisya at militar sa Negros Oriental.
Subalit base sa naging pahayag ng Kabataan Party list, pawang mga magsasaka umano ang nasawi sa nasabing operasyon.
Sinabi ni Negros Oriental Provincial Police Office Head Col. Raul Tacaca, napatay ang mga suspek sa magkakahiwalay na operasyon sa Manjuyod, Sta. Catalina at Canlaon City.
Magsisilbi lamang sana aniya ng search warrants ang mga otoridad ngunit nanlaban umano ang mga suspek kayat napilitan silang gumanti.
Ayon naman sa Kabataan Party list, ang mga nasawi ay kinilalang sina Ismael Avelino, Edgardo Avelino, Melchor Pañares, Rogelio Ricomuno, Mario Pañares, Gonzalo Rosales, Genes Palmarea at Ricky Ricomuno.
Inaresto naman sa naturang anti-criminality operations ang ang 12 iba pang suspek.
Samantala, iginiit naman ng militanteng grupo na wala umanong search warrant ang mga otoridad nang isagawa ang nasabing operasyon.
Pagkamatay ng 14 sa Negros Oriental legal ayon sa pulisya
Binigyang diin ng pulisya na legal ang ikinasa nilang operasyon sa Negros Oriental na nagresulta sa pagkamatay ng 14 katao at pagkakaaresto ng 12 iba pa.
Sinabi ni Provincial Police Office Director Col. Raul Tacaca, tumupad lamang sa kanilang tungkulin ang tropa ng pamahalaan at wala aniyang nalabag na batas sa kanilang ikinasang anti-crminality campaign.
Mariing itinanggi ni Tacaca ang pahayag ng Kabataan Party list na basta na lamang pumasok sa bahay ng mga suspek ang mga pulis at sundalo na nagsagawa ng operasyon.
Hindi naman masabi ng opisyal kung totoong magsasaka ang mga nasawi dahil base aniya sa kanilang impormasyon, pawang mga hitman at taga-suporta ng npa ang mga ito.
Pahayag ni Tacaca, kabilang ang mga suspek sa nabigong assassination plots laban sa tropa ng gobyerno na nakadestino sa lalawigan.
Giit nito, nasawi ang mga suspek na nahaharap sa kasong illegal possession of firearms matapos manlaban sa mga otoridad.