Nakapagtala ng anim na landfall ang bagyong Ambo habang ito’y bumabagtas sa mga rehiyon ng Eastern Visayas, Southern Tagalog, National Capital Region at Central Luzon.
Tinatayang nasa 14,000 ang nagsilikas matapos na masalanta ang kanilang mga tahanan at pabagsakin nito ang mga puno gayundin ang mga poste ng kuryente sa iba’t-ibang lugar.
Gayunman, batay sa pinakahuling ulat mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), wala pa silang naitatalang nasawi dahil sa bagyo.
Ayon kay NDRRMC Spokesman Mark Timbal, bagama’t anecdotal ang mga nakakalap nilang impormasyon hinggil sa pinsala ng bagyo, maituturing aniyang magandang balita na walang casualty ang pananalasa ng bagyong Ambo sa paghagupit nito.