TINATAYANG 142,575 smishing messages ang naharang ng isang telco noong Pebrero at Marso ngayong taon matapos ang matagumpay na ma-detect ng proactive filter system sa network nito ang mga mensahe na iniuugnay sa panloloko.
Sinasabing patuloy na pinalalakas ng Globe ang security tools at platforms nito upang madagdagan ang detection at blocking capabilities laban sa illegal SMS at web blaster devices.
Maliban dito, pinagana rin ang reporting channels at processes para sa telco employees, customers, at partners upang kagyat na makopo at maibahagi ang impormasyon o alalahanin hinggil sa fraud at scams.
“Smishing occurs mainly through mobile text messaging, in which scammers attempt to mislead victims into giving away their personal data. Scammers then use this data to take over a victim’s financial accounts,” paliwanag ni Anton Bonifacio, Chief Information Security Officer ng kompanya.
Aniya, nakikipagtulungan sila sa gobyerno at industry stakeholders, partikular sa banta sa intelligence sharing initiatives, gayundin sa awareness campaigns via SMS, website at social media channels upang regular na ma-update ang publiko hinggil sa spams at scams.
Noong Marso ng kasalukuyang taon, inilatag ng Globe sa Bankers Association of the Philippines (BAP) ang “framework of cooperation that aims to establish sharing of data and intelligence between Globe and BAP member-banks for fraud detection and prevention.” Ang unang Memorandum of Agreement ay nilagdaan sa pagitan ng telco at ng Unionbank noong Marso 25, 2022.
Tinutukan ng kompanya ang internet safety at cybersecurity programs sa nakalipas na mga taon.
Naharang ng telco noong 2021 ang kabuuang 1.15 billion scam at spam messages, 7,000 mobile numbers na iniuugnay sa scammers, at 2,000 unofficial social media accounts at phishing sites.
Kasabay nito, muling hinimok ni Bonifacio ang mga customer na i-report ang scam messages sa pamamagitan ng spam reporting mechanism sa website ng Globe.
Ang mga Android phone user ay maaari rimg maglagay ng spam filters sa kanilang Android devices sa pag-download sa “Messages” app ng Google bilang kanilang default Android SMS messenger. Ang messaging app na ito ay may Spam Protection setting na maaaring paganahin para harangin ang unwanted o unsolicited messages.
Ang pagsisikap ng telco laban sa smishing ay bahagi ng layunin nito na protektahan ang technological innovations. Nakahanay ito sa commitment nito sa infrastructure at innovation targets sa ilalim ng United Nations Sustainable Development Goals.