Nag alok ang China ng 14 na milyong dolyar na halaga ng mga armas at kagamitan na libre nilang ipamimigay sa Pilipinas para tumulong sa kampanya kontra droga ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, mismong si Chinese Ambassador Zhao Jianhua ang nagkumpirma nito kahapon nang makapulong si Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang.
Ayon kay Lorenzana, bukod sa libreng mga gamit nag alok din ang China ng 500 milyong dolyar na pautang na maaring bayaran sa mahabang panahon.
Nagbigay na anya ng listahan ng mga armas ang China na pagpipiliian naman ng military.
Ilan sa gustong kunin ni Lorenzana ay mga small arms, fast boats at night vision goggles.
Ngayong taon sisikapin ng Pilipinas na matapos ang kasunduan at umaaasa silang sa 2nd quarter ng 2017 ay makukuha na ang mga libreng gamit mula sa China.
By: Meann Tanbio / Jonathan Andal