Arestado ng mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang 15 illegal miners na nakuhanan ng quarrying equipment sa Taal Volcano Protected Area.
Ayon sa DENR, muling nakahuli ng panibagong grupo na gumagawa ng illegal quarrying operations sa nabanggit na lugar.
Nakumpiska sa operasyon ang tatlong backhoe, dalawang screener na ginagamit sa paghihiwalay ng liberated at extracted sand at gravel materials.
Nakuha din ang truck na may kargang 127 board feet ng troso at 122.83 board feet ng tabla habang nadiskubre rin na ginagamit ang lugar bilang firing range, kung saan nakita ang ilang slugs ng bala ng baril.
Matatandaang una nang naipanalo ng ahensya ang kaso laban sa illegal miners na unang nahuli na nagsasagawa din ng iligal na aktibidad sa Taal Volcano Protected Area Landscape noong Oktubre.
Nahaharap ngayon sa mga kasong paglabag sa Expanded National Integrated Protected Area Systems Act, Philippine Mining Act, Revised Forestry Reform Code of the Philippines, at Clean Water Act. Ang mga naarestong iligal na minero. —sa panulat ni Angelica Doctolero