Isinailalim sa immigration lookout bulletin ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang 15 indibiduwal na iniuugnay sa Kapa Community Ministry International Inc.
Sakop ng lookout bulletin ang walong incorporators at walong officer ng Kapa kabilang ang co-founder nito na si Pastor Joel Apolinario gayundin ang tatlong opisyal ng Alabel-Maasim Credit Cooperative.
Kasunod nito, sinabi ni Justice Undersecretary Markk Perete na kanilang nang inatasan ang lahat ng immigration officer na mahigpit na bantayan ang lahat ng ports of exit at entry ng bansa para sa magiging galaw ng mga opisyal ng Kapa.
Una nang nagpalabas ng freeze order ang Court of Appeals laban sa ilang bank accounts at iba pang assets ng Kapa bilang sagot sa petisyong inihain ng Security and Exchange Commission at Anti Money Laundering Council.
Pagbibigay ng permit sa Kapa Ministry pinatitigil na ng DILG
Inatasan ng DILG o Department of Interior and Local Government ang lahat ng mga lokal na pamahalaan na bawiin at itigil na ang pagbibigay ng permit sa Kapa Community Ministry International Inc.
Kasunod ito ng pagkakasangkot ng nasabing religious organization sa isyu ng investment scam.
Batay sa inilabas na memorandum ng DILG, kanilang binigyang diin na hindi na ligal ang anumang aktibidad ng Kapa matapos bawiin ng SEC o Security and Exchange Commission ang certificate of registration nito.
Iginiit naman ng DILG na ipinalabas ang nasabing memorandum alinsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.