Labinglima (15) ang patay, habang 55 ang sugatan sa nangyaring magkasunod na pagsabog sa Jolo, Sulu kahapon ng tanghali.
Ayon kay Col. Antonio Rafael Abundabar, spokesman ng Western Mindanao Command (WesMinCom), kabilang sa mga nasawi ang pitong sundalo, anim na sibilyan, isang pulis at ang hinihinalang babaeng suicide bomber.
Nangyari ang unang pagsabog malapit sa Paradise Food Plaza sa Kalye Serantes sa Barangay Walled City, mag-a-alas-12 kahapon ng tanghali.
Dakong ala-1 naman ng hapon ding iyon, habang kinokordonan ng mga awtoridad ang tapat ng Development Bank of the Philippines, nangyari ang ikalawang pagsabog sa tapat ng new trading sa Sanchez Street.
Agad dinala sa Kampo Teodulfo Bautista Station Hospital sa Jolo ang labi ng mga nasawi gayundin ang mga nasugatan sa nangyaring kambal na pagsabog.