Inirekomenda ng PNP – IAS o Philippine National Police – Internal Affairs Service kay PNP Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa na sibakin na sa puwesto ang labing limang (15) pulis na dawit sa panloloob sa isang bahay sa Caloocan City.
Ayon kay PNP – IAS Inspector General Alfegar Triambulo, napatunayan sa kanilang isinagawang imbestigasyon na lumabag sa ipinatutupad na police operational procedure ang mga sangkot na pulis.
Kabilang sa pinasisibak sa serbisyo ng PNP – IAS ay ang commander ng precinct 4 ng Caloocan Police Community na si Chief Inspector Timothy Aniway Jr.
Matatandaang batay sa kuha ng CCTV footage, hindi bababa sa apat (4) na pulis kasama ang dalawang sibilyan ang sapilitang pumasok sa bahay ni Gina Erobas nang walang dalang search warrant at hindi nakasuot ng uniporme.
Nabatid din na kinuha ng mga ito ang ilang mamamahaling relo, cellphone, at cash na nagkakahalaga ng P6,000.00.