Hindi pa dapat magsaya ang 15 pulis na maagang nagretiro matapos na mapabilang ang kanilang pangalan sa umano’y drug watchlist ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang inihayag ng Philippine National Police (PNP) matapos simulan ang kanilang adjudication at validation process para sa 357 mga pulis na isinasangkot sa iligal na droga.
Ayon kay PNP spokesman P/BGen. Bernard Banac, hindi pa rin makalulusot sa asunto ang mga pulis na una nang nagretiro kaya’t nanganganib pa rin ang kanilang mga benepisyo.
Sakaling mapatunayan ang pagkakasangkot ng isang pulis sa illegal drug trade, sinabi ni Banac na maaari pa ring bawiin ng Korte ang lahat ng mga nakuhang benepisyo nito kahit nagretiro na.
Sa kasalukuyan, 15 pulis ang naghain ng optional retirement habang 43 naman ang idineklarang absent without official leave (AWOL).