Sugatan ang hindi bababa sa labing lima (15) katao matapos na tumagilid ang isang pampasaherong bus sa bahagi ng Elliptical Road sa Quezon City kaninang umaga.
Ayon sa DWIZ patrol, lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na galing ng Commonwealth Avenue at patungo sana ng East Avenue ang Precious Grace Transport na may plakang UWM-161 nang maganap ang aksidente.
Nakipag-gitgitan umano ang bus sa dalawang kotse, dahilan upang mag-karambola ang mga sasakyan, at nadamay pa ang isang taxi na nawasak din ang harapang bahagi.
Dinala na sa East Avenue Medical Center ang mga nasugatang pasahero kabilang na ang driver ng bus.
Sa panig naman ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board, sinabi ni Atty. Aileen Lizada na agad nilang beberipikahin ang prangkisa ng nasabing bus company, aalamin kung out of line ito at agad na aaksyunan sakaling may paglabag man ang driver ng bus. —with report from Jopel Pelenio (Patrol 17) / Ratsada Balita (Interview)