Nagdeploy ng 150 sundalo ang Armed Forces of the Philippines para tumulong sa PNP sa pagmamando ng checkpoints sa Metro Manila.
Itoy matapos isailalim ng Pangulong Rodrigo Duterte ang buong bansa sa state of lawless violence.
Gayunman, nilinaw ni PNP NCRPO Chief C/Supt. Oscar Albayalde na mga pulis na may dalang maikling baril lamang ang pinapayagang mag-search ng mga sasakyan samantalang tagamasid lamang ang mga sundalo.
Kasabay nito, ipinaalala ni Albayalde ang mga pinapayagang gawin ng mga pulis sa mga checkpoints sa ilalim ng state of lawless violence.
Dapat anyang magalang ang mga pulis sa pakikipag-usap sa mga motorista at panatiliin ang plain view doctrine o hindi pagpasok ng anumang parte ng katawan ng pulis sa loob ng sasakyan.
Hindi rin puwedeng buksan ng pulis ang compartments ng sasakyan kung walang pahintulot ang motorista.
Sinabi ni Albayalde na hindi rin kailangang bumaba ng motorista mula sa kanyang sasakyan at bawal silang kapkapan ng pulis.
Samantala, pinapayuhan naman ang mga motorista na i-dim ang kanilang headlights kapag malapit na sa checkpoints, buksan ang ilaw sa loob ng sasakyan at awtomatiko nang ibaba ang bintana ng sasakyan.
By Len Aguirre
Photo Credit: AFP