Kasado na ang mga paghahanda ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa huling State Of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 26.
Ayon ay NCRPO Director, Police Maj/Gen. Vicente Danao Jr, tinatayang nasa 15,000 pulis ang kanilang ipakakalat sa bahagi ng Commonwealth Avenue sa Quezon City para tiyakin ang seguridad at bantayan ang mga magsasagawa ng kilos protesta.
Binigyang diin ni Danao, bagama’t iginagalang nila ang kalayaan sa paghahayag ng saloobin, nananatili pa rin ang banta ng COVID-19 kaya’t kailangang masunod ang mga ipinatutupad na minimum health and safety protocols.
Dagdag pa ng NCRPO Chief, gagamitin din ng mga pulis ang kanilang body worn cameras sa mismong araw ng sona upang mamonitor ang lahat ng sitwasyon at matiyak na hindi sila malulusutan.