152 pamilya o 772 katao ang nagsilikas at nagpalipas ng gabi sa evacuation center sa Mandaue City, Cebu dahil sa pagbaha bunsod ng malakas na pag-ulan.
Pawang mga Taga-Sitio Laray, Barangay Umapad ang mga naapektuhan ng pagbaha noong Sabado.
Ayon kay Mandaue City Disaster Risk Reduction and Management Office chief Buddy Ybañez, pansamantalang tumuloy ang mga evacuee sa Umapad Elementary School.
Bukod sa malakas na pag-ulan, kabilang din sa mga sanhi ng pagbaha ang pag-apaw ng Butuanon River.
Agad naman anyang nag-uwian ang mga nasabing residente kahapon.
Samantala, pitong pamilya ang nawalan ng bahay matapos ang landslide sa Sitio Tapoko Lessandra Miramonte, Barangay Pit-Os sa Cebu City.
Lumikas ang mga naturang residente pero saglit umuwi ang mga ito sa kanilang mga bahay na nagtamo ng mga bitak-bitak, upang kumuha ng mga kagamitan at nagbalikan sa mga evacuation center.